GTK pinatalsik na sa POC
MANILA, Philippines - Hindi naantig ng presensya ni Go Teng Kok ang mga NSA officials na dumalo sa extraordinary POC General Assembly sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City kahapon.
Walang tumutol nang ipa-approve ni POC first vice president Manny Lopez ang resolusyong pinirmahan ng 37 mula sa 41 NSA’s na miyembro ng POC na nagsasaad na dapat na ma-expelled si Go.
“We are in the reform mode and the only solution is to remove the thorn that is hurting the mode of reform we are undertaking. I just hope we will not do this again, it’s very hard to do something like this,” wika ni POC president Jose Cojuangco Jr. na pinangunahan ang pagpupulong na tumagal lamang ng halos 10 minuto.
Si Go na dating kaalyado ni Cojuangco at itinakda pa bilang kanyang special assistant ay dumalo kasama ang abogadong si Sammy Estimo at pinapasok naman kahit deklarado na Persona Non Grata ng POC.
Pinilit ni Go ang body na bigyan siya ng pagkakataon na idepensa ang sarili bagay na hindi pinakinggan ng POC GA.
Nagkaroon ng iringan nang sumabat si Estimo at dinuro-duro si POC Legal Counsel Atty. Ramon Malinao na umalma rin sa aksyon ng bisita.
Dito pumasok si Mark Joseph at pinalabas si Estimo dahil hindi ito kasapi ng POC bagay na siyang ginawa ni Romeo Magat nang akap-akap nitong pinalabas ang dating opisyal ng chess.
Si Go na sumunod din sa labas ay sinunog naman ang dalang POC Constitution and By Laws dahil wala na umanong saysay ito sa aniya ay diktaturyang pamamalakad ni Cojuangco.
Nilinaw naman ni Cojuangco na hindi apektado ang PATAFA sa pangyayari pero kailangan ng asosasyon na humanap ng ibang magiging kinatawan sa POC dahil pinatalsik na nila si Go.
Inihayag naman ni PSC chairman Ricardo Garcia na hihintayin niya ang rekomendasyon ng POC sa kung sino ang kakatawan sa PATAFA dahil lahat ng request na pipirmahan ni Go ay kanilang di aaksyunan.
- Latest
- Trending