MANILA, Philippines - Bigyan ng init ang nanlalamig na kampanya ang hangad ng FEU habang magpatuloy ang matayog na paglipad naman ang sa Adamson sa pagbabalik aksyon ng 74th UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Makikipagsukatan muli ang Tamaraws laban sa UP sa ganap na alas-2 ng hapon habang ang Falcons ay babangga uli sa National University sa alas-4.
Ang Maroons at Bulldogs ay nasa ibabang bahagi ng team standings pero hindi sila puwedeng biruin ng Adamson at FEU dahil nanalo sila sa unang tagisan.
May 76-63 tagumpay ang UP sa FEU na nagpasimula sa three-game losing streak ng huli para sa 4-4 karta habang 63-56 naman ang hinirit ng NU sa Adamson sa unang labanan.
Kakailanganin ni FEU coach Bert Flores ng solidong numero sa mga inaasahan lalo nga’t ang UP ay may psychological advantage at tiyak na gagawin ang lahat para manalo at mapag-ibayo ang kasalukuyang 2-6 baraha.
Maliban sa pagbawi, ang makukuhang panalo ng tropa ni coach Leo Austria ay maglalapit sa hangaring makamit ang isa sa mangungunang dalawang puwesto na magtataglay ng twice to beat advantage.