MANILA, Philippines - Nagtakda ang House Committee on Youth and Sports ng isang pulong bukas sa hanay ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at mga National Sports Associations (NSAs).
Sinabi kahapon ni Manila Rep. Amado Bagatsing na inaasahan ring matatalakay ang nangyari sa Dragon Warriors ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) na hindi binigyan ng suporta ng PSC at POC nang sumabak sa nakaraang 10th International Dragon Boat Championships sa Tampa, Florida.
Sa kabila nito, nag-uwi pa rin ang koponan ng limang gold at dalawang silver medals sa nasabing kompetisyon.
“May ibang naka-agenda, but the idea is to convey the message sa lahat ng mga NSAs kung paano sila matutulungan ng PSC at kami sa Kongreso ay paano naman susuporta,” wika ni Bagatsing.
Si Bagatsing ang nanguna sa 258 Congressman sa pagbibigay ng tig-P5,000 sa mga miyembro ng Dragon Warriors.
Bumisita rin ang Dragon Warrios sa Kongreso kamakalawa matapos magtungo sa Malacañang sa kanilang pagdating sa bansa noong Biyernes para sa courtesy call kay Pangulong Noynoy Aquino.
Gusto ni Presidente Aquino na malaman kung bakit hindi nabigyan ng sports commission ng tulong ang Dragon Warriors nang sumabak sa torneo sa Tampa, Florida.
Ang PDBF ay tinanggal ng POC matapos pumalag sa direktiba ng International Olympic Committee (IOC) na sumanib sa Philippine Canoe/Kayak Federation (PCKF).