Navy, Army sa quarters na
MANILA, Philippines - Gamit ang kanilang matinding atake, tinalo ng Philippine Navy ang Philippine Air Force, 25-18, 25-15, 25-17, upang makapasok sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw ang Navy tossers ng 39 kills kontra sa 22 ng Air Force para sa kanilang ikatlong sunod na arangkada matapos matalo sa isang four-setter sa Philippine Army.
May 3-1 rekords ngayon ang Navy sa ilalim ng mga quarterfinalists nang San Sebastian (4-1) at Army (3-0) kasunod ang Air Force (2-3), Ateneo De Manila University (2-3), Maynilad (1-2) at Perpetual Help University (0-5).
Nagposte si dating Most Valuable Player Nerissa Bautista ng limang service points para sa kanyang 16 points para pangunahan ang Navy spikers, habang nagdagdag si two-time MVP Suzanne Roces ng apat na service aces para sa kanyang 15 hits.
Hindi nakalaro para sa Air Force si ace hitter Cherry Rose Macatangay.
Nakalapit ang Air Force sa 16-21 agwat sa third set ngunit umatake naman sina Bautista at Rose Prochina mula sa magkahiwalay nilang hits patungo sa tagumpay ng Navy.
Tumapos si Roces na may 10 kills at 1 block, samantalang nag-ambag si Michelle Laborte ng 12 hits para sa Navy.
Naupo naman si Macatangay, may 14 hits average sa kanyang apat na laro para sa Air Force, sa bench bunga ng kanyang knee injury.
Nanguna si Aiza Maizo para sa Air Force sa kanyang 11 hits kasunod ang tig-5 points nina Wendy Semana at Cherry Vivas at 4 points ni Ma. Teresa dela Rosa.
Samantala, bumangon ang Philippine Army mula sa third set na kabiguan upang itakas ang 25-22, 25-15, 25-27, 25-10 panalo laban sa Maynilad at okupahan ang ikatlong puwesto sa quarterfinals.
Ito ang ikaapat na panalo ng Army, lumapit sa dalawang laro para mawalis ang single round robin elims ng torneong ito.
- Latest
- Trending