MANILA, Philippines - Puntirya ang liderato, sasagupain ng Philippine Army ang Maynilad para sa inaasam na ikalawang quarterfinals seat sa Shakey’s V-League Open Conference ngayong alas-4 ng hapon sa The Arena sa San Juan.
Nakamit ng San Sebastian College ang unang quarterfinals berth mula sa kanilang 4-1 baraha kasunod ang Army (3-0), Navy (2-1), Air Force (2-2), Ateneo De Manila University (2-3), Maynilad (1-2) at Perpetual Help (0-5).
Sa unang laro sa alas-2, magtatagpo naman ang Navy at ang Air Force.
Ang Army ay muling babanderahan nina Michelle Carolino, Joanne Bunag at Mary Jean Balse katuwang pa sina Rachel Ann Daquis, Marietta Carolino, Dalhia Cruz, libero Patricia Torres at setters Cristina Salak at Ma. Therese Iratay.
Huling biniktima ng Army ang Navy via four-setter, habang nagmula ang Maynilad sa straight-set loss sa San Sebastian.
Sasandalan naman ng Maynilad sina guest player Joy Cases, Nica Guliman, Syvie Artates, Melissa Mirasol, Mervic Mangui at setter Charisse Ancheta.