Army Spikers lider na
MANILA, Philippines - Habang nakamit ng Philippine Navy ang kanilang ikalawang sunod na panalo, muli namang nasolo ng Philippine Army ang liderato para palakasin ang kanilang tsansa sa isang quarterfinals seat.
Giniba ng Army ang Perpetual Help, 28-26, 25-17, 25-22, sa Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Pinangunahan ni Joanne Buñag ang panalo ng Army spikers mula sa kanyang 15 hits, habang may tig-apat na blocks sa net sina Marietta Carolino at Mary Jean Balse.
Nagposte rin si Buñag ng 13 attacks at dalawang service points para sa 3-0 rekord ng Army kasunod ang San Sebastian College (3-1), Philippine Navy (2-1), Philippine Air Force (2-2), Ateneo De Manila University (2-3), Maynilad (1-1) at Perpetual (0-5).
Sa unang laro, sumandal ang Navy sa guest player na si Suzanne Roces para igupo ang Ateneo, 25-18, 25-23, 25-21.
Nagtala si Roces ng 7 hits, 3 blocks at 4 service points at nakipagtambal kay guest player Nerissa Bautista para sa ikalawang sunod na panalo ng Navy.
Naglista naman si Bautista, dating league Most Valuable Player, ng 15 hits, kasama rito ang 13 attacks, para sa Navy, habang nagdagdag ng 11 at 10 hits sina Michelle Laborte at Cecile Cruzada, ayon sa pagkakasunod para sa kanilang 2-1 baraha.
Nalasap naman ng Lady Eagles, umangkin sa unang conference title, ang kanilang pangatlong sunod na kamalasan matapos buksan ang torneo na bitbit ang 2-0 marka.
Makaraang igupo ang Maynilad at Perpetual Help, nakatikim naman ang Katipunan-based spikers ng magkasunod na four-set losses sa Philippine Air Force at Lady Stags.
- Latest
- Trending