MANILA, Philippines - Sa pang-aagaw ng eksena ng Dragon Warriors mula sa kanilang kinuhang limang gold at dalawang silver medals sa nakaraang 10th International Dragon Boat Federation World Championship sa Tampa Bay, Florida, inaasahang maraming ‘sasakay’ sa kanilang popularidad.
Kahapon, binalaan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. ang 285 miyembro ng Kongreso na magbibigay ng P5,000 bawat isa para sa koponan ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF).
“Pakitingnan lang sana muna nila kung saan o kanino nila ibibigay ‘yung makokolekta nilang P1.4 milyon para sa dragon boat team,” wika ni Cojuangco sa mga miyembro ng Kongreso.
Ayon kay Cojuangco, isang dating kinatawan ng Tarlac sa Kongreso, na may natanggap siyang liham mula sa siyam na club teams ng PDBF na humihingi ng paliwanag sa huli kung saan napunta ang nawawalang P284,000 mula sa pondong P1.8 milyon noong 2009.
Hindi kinikilala ng POC ang PDBF bilang miyembro dahil sa hindi nito pagsunod sa direktiba ng International Olympic Committee (IOC) na sumanib sa Philippine Canoe/Kayak Federation (PCKF).
Wala ring maibibigay sa Dragon Warriors na cash incentives ang Philippine Sports Commission (PSC) bunga ng hindi pagkukunsidera sa kanila bilang national athletes.
Nakatakdang umuwi sa bansa ang Dragon Warrios ngayong umaga mula sa Los Angeles, California bago tumuloy sa Malacanang para sa isang courtesy call kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino, Jr. na pamangkin ni Cojuangco.