Dragon Warriors bibisita kay P-Noy
MANILA, Philippines - Mula sa kanilang sinagwan na limang gold at dalawang silver medals sa katatapos na 10th International Dragon Boat Federation World Championship sa Tampa Bay, Florida, nakatakdang magtungo ang Dragon Warriors sa Malacañang para sa isang courtesy call kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III bukas.
Ang pagbisita ng mga miyembro ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) kay Presidente Aquino ay nakatakda sa ganap na ala-1 ng hapon.
“Since the President has an event in the morning, we were able to find them a schedule at 1 pm. So we will be more than glad to see them here in the Palace and we invite you (media) also to come, see our gallant Dragon Boat Warriors,” sabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Ang Dragon Warriors ay kinabibilangan ng ilang miyembro ng Philippine Navy, Army at Air Force.
Kaugnay naman sa inaasahang cash incentive para sa dragon boat team, sinabi ni Lacierda na ang Philippine Sports Commission (PSC) na ang magdedesisyon.
“Since jurisdiction po iyan ng PSC , nanghingi rin kami ng clarification kung ano ang status ng Dragon Boat Team. We’re asking for a briefer from the Presidential Management Staff kung ano po ang nangyari,” ani Lacierda.
Nakasabayan ng koponan ang mga tropa ng 17 pang bansa sa naturang world championships kung saan sila nagtayo ng world record sa men’s 1,000-meter event sa tiyempong apat na minuto at 57 segundo.
- Latest
- Trending