3 Gilas cager magpapa-draft sa PBA
MANILA, Philippines - Matapos sina Fil-Ams Chris Lutz at Marcio Lassiter, tatlo pang miyembro ng Smart Gilas Pilipinas ang nagsumite ng kanilang aplikasyon para sa 2011 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Agosto 28 sa Robinson's Place Manila.
Ang mga napabilang sa 20 aplikante ay sina Andy Mark Barroca at Mac Baracael ng Far Eastern University at 6-foot-7 Jason Ballesteros ng San Sebastian College.
Sina Barroca, Baracael at Ballesteros ay kasama ng Smart Gilas ni Serbian coach Rajko Toroman sa kampanya sa William Jones Cup basketball tournament sa Chinese-Taipei.
Lumahok na rin sa Rookie Draft si Eric Salamat, isa sa mga naging susi sa Grandslam ng Ateneo De Manila University, Pamboy Raymundo ng San Sebastian at dating University of the East star James Martinez.
May hanggang Agosto 18 pa ang mga aplikante, local man o Fil-Foreign players, upang isumite ang kanilang mga aplikasyon at dokumento.
Ang Powerade ang siyang pipili ng No. 1 overall pick sa 2011 PBA Rookie Draft kasunod ang Air21 at Meralco.
Para sa taong ito, tanging ang mga Fil-foreign players na nagsuot ng national colors at naglaro sa PBA D-League na may edad na 26-anyos pababa ang papayagang makasali sa drafting.
Ang pinal na listahan ng mga aspirante ay ilalabas bago ang Rookie Camp sa Agosto 23-26.
Ang iba pang aplikante ay sina Gilbert Bulawan ng San Sebastian, Mark Ababon at Ariel Mepana ng University of Visayas, University of Santo Tomas star Allein Maliksi, Niño Nabong, Christopher Pestano, Raymond Montaniel, Marc Cagoco, Alvyn Cabonce, Christopher Concepcion, Felimon Fernandez at Marvin Graebel.
Samantala, kasalukuyang pinag-aagawan ng Petron Blaze Boosters at ng Talk N Text Tropang Texters ang Game 2 habang sinusulat ang balitang ito.
Nakauna ang Boosters matapos talunin ang TropangTexters sa Game 1, 89-88.
- Latest
- Trending