MANILA, Philippines - Balikatan ang mangyayaring tagisan para sa National Finals ng 2011 World Cup elimination.
Ito’y dahil ang mga tinitingala sa larangan ng Philippine bowling ay nakasama sa 71 male at female bowlers na nakausad sa National Finals matapos ang naunang qualifying event sa 14 centers mula sa Metro Manila at ibang probinsya.
Nanguna sa kalalakihan si six-time world champion Paeng Nepomuceno nang gumawa ito ng 2693 pins sa 12 games sa Coronado lanes.
Sina Raoul Miranda (2820), Eric Aranez (1298) at Mar Serac (2487) ang iba pang nakasama ni Nepomuceno na umusad mula sa kanilang qualifying tournament.
Si Liza Del Rosario naman ang nanguna sa kababaihan sa kanyang 1934 sa 10 games na ginawa sa Bowling Inn. Nakasama ni Del Rosario na umabante sina Liza Clutario (1872) at Sol Bagalay (1794).
Ang iba pang kilalang male bowlers pumasok ay sina Chester King na may 2393 sa Paeng’s Midtown Bowl; Garry Custodio (2287), Benshir Layoso (2277) at Paulo Valdez (2789) sa Astrobowl; Joonee Gatchalian at Jong Enriquez na may 2921 at 2472 sa SM North Edsa; Lara Posadas (1956) sa Paeng’s Midtown, Apple Posadas (1871) at Krizziah Tabora (1720) sa Commonwealth.
Sina Asian Games gold medalist Biboy Rivera at Bong Coo ay sasali naman sa ikalawang qualifying period na magtatapos sa unang linggo ng Setyembre.
Ang national finals ay itinakda sa Setyembre 17 at 18 sa Coronado Lanes (Starlanes), Setyembre 20 at 21 sa Paeng’s Midtown at Setyembre 23 sa SM Mall of Asia.
Ang tatanghaling kampeon ay kakatawanin ang Pilipinas sa 47th BWC international finals mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 7 sa Northcliff Bowling Center sa Johannesburg, South Africa.