Dodie Boy, Jr. umiskor ng 3rd round TKO
MANILA, Philippines - Walang hirap na nakuha ni Dodie Boy Peñalosa, Jr. ang kanyang unang panalo laban sa dayuhan nang talunin sa pamamagitan ng third round TKO si Kong Kiatpracha Gym ng Thailand noong Sabado ng gabi sa Mandaue City Sports Complex, Mandaue, Cebu.
Lubhang malayo ang kalidad ng 21-anyos na si Peñalosa laban sa 34 anyos na si Kong na walang ginawa sa kabuuan ng laban kundi ang magtakip at yumakap para makaiwas sa sakit dala ng mga malulutong na suntok mula sa pambato ng Cebu.
Natapos ang laban may 2:16 sa ikatlong round nang tatlong beses na tumumba ang Thai boxer.
Unang bagsak ay mula sa kanang suntok sa tagiliran. Halata nang hindi magtatagal si Kong dahil tumitingin na siya sa kanyang corner at tila nagpapasaklolo.
Dalawang malalakas na kanan sa panga ng Thai mula sa kaliweteng si Peñalosa ang nagpahalik pa sa una lona para matapos ang 8-round bout.
Ang bakbakang ito ay tune-up ng batang Peñalosa bago sumalang sa US debut sa undercard sa laban nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Nanalo naman sa pamamagitan ng unanimous decision si dating WBC light flyweight champion Rodel Mayol kay Jayson Rotoni, habang isang third-round TKO ang kinuha ni Jimrex ‘Executioner’ Jaca laban kay Philip Jun Demecillo.
- Latest
- Trending