MANILA, Philippines - Naghatid ng dalawang matitinding tres si Janus Lozada sa huling yugto upang balewalain ng Adamson ang paghahabol ng La Salle tungo sa 66-58 panalo sa 74th UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
May 14 puntos nga sa laro si Lozada at ang kanyang ikalawang 3-pointer sa huling 10 minuto ng labanan ang nagsilbing pamatay-sunod sa rally ng Archers na nakadikit hanggang 61-58 matapos unang naiwanan ng 16 puntos sa unang bahagi ng first period.
May 18 puntos si Lester Alvarez habang 12 pa ang ibinigay ni Alex Nuyles para tulungan ang starters ng Falcons na ma-outplay ang katapat, 47-17, upang makasalo na ang Adamson sa ikalawang puwesto kasama ang pahingang FEU sa 4-2 baraha.
Nalaglag sa 3-3 karta ang Archers na pinangunahan ng mga off the bench players na sina Norberto Torres at Yutien Andrada sa kanilang 14 at 11 puntos.
Tinapos naman ng UE ang anim na sunod na kabiguan nang manalo sa mas pinaborang National University, 72-71, sa unang laro.
Ibinuhos ni Adrian Santos ang kanyang apat na puntos sa laro para katampukan ang 14-3 end game run ng Warriors upang makuha ang isang puntos kalamangan mula sa 58-68 paghahabol.