MANILA, Philippines - Bukod sa pagtaguyod ng motocross, may iba pang adhikain ang isasagawa sa 7th Leg ng 2011 Enersel Forte Philippine National Motocross Series sa Agosto 6-7.
Sa pagdiriwang ng ika-43 kaarawan ng CEO ng SEL-J Sports na si Jay Y. Lacnit, magkakaroon ng medical mission para sa mga residente ng Molino 3, Cavite City.
Libu-libong residente ang inaasahang makatatanggap ng libreng gamot at konsultasyon sa taunang tradisyon ni Lacnit. Noong nakaraang taon, ang kanyang bayang Pagadian ang naging lokasyon ng outreach program kung saan 30,000 kabataan at matatanda ang nakinabang. Naniniwala si Lacnit na ang SEL-J Pharmaceuticals ay isang kumpanyang may puso na isa sa tumugon noong nanalanta ang bagyong Ondoy at Pepeng.
“Kada taon, sinusubukan kong magdala ng saya sa aking mga kababayan, dahil galing din ako sa hirap. Ang pananampalataya ko ay nanatiling matatag at sinagot ang aking mga dasal, kaya binabalik ko sa Kanya ang mga biyaya sa pamamgitan ng pagbabahagi sa aking kapwa,” ani Lacnit, ang “Hari ng Motocross.”
Bukod sa medical mission, aabangan din sa karera ang pakikibahagi ng Prince of Indie Films na si Coco Martin at actor-singer Sam Milby. Dadalo rin sina Senador Bong Revilla, Gobernador ng Cavite na si Gilbert Remulla, at Alkalde ng Bacoor na si Strike Revilla.