MANILA, Philippines - Inangkin ni Markie Alcala ang boys’ Under-15 singles division ng P1 million MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament para sa ikatlong sunod na pagkakataon sa Wheels ‘N More courts sa Davao City noong Miyerkules.
Bumangon ang 13-anyos na si Alcala, kapatid ni RP No. 1 women player Malvinne, sa kanyang second set setback patungo sa kanyang 21-16, 20-22, 21-14 panalo laban kay Alvin Morada, kanya ring tinalo sa finals sa unang dalawang legs ng four-stage nationwide circuit sa Manila at Bacolod.
Ang Allied/Victor mainstay ay natalo naman sa U-19 category 20-22, 21-10, 21-11 sa third seed na si Jason Oba-ob sa second round.
Natanggap ni Alcala sa kanyang paghahari sa U-15 class ang P10,000 at nakalinya sina Antonino Gadi at Bianca Carlos bilang mga three-peat winners sa circuit na inorganisa nina Philippine Badminton Association head at Vice President Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny V. Pangilinan.
Iginupo ni Gadi si Paul Vivas para sa ikalawang sunod na pagkakataon, 19-21, 21-12, 21-14, sa men’s Open finals, habang binigo ni Carlos si Janelle de Vera, 21-16, 21-15, sa girls’ U-19 division.
Si Gelita Castilo ang tinanghal na winningest player sa five-day event mula sa kanyang tatlong tagumpay sa women’s Open singles at doubles sa U-19 at Open classes katuwang ang kanyang regular partner na si Dia Magno.