MANILA, Philippines - Wala nang nakikitang dahilan si Bob Arum ng Top Rank Promotions para hindi mangyari ang upakan nina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at undefeated American Floyd Mayweather, Jr.
Mula sa isyu sa hatian sa prize money hanggang sa pagsailalim sa drug testing nina Pacquiao at Mayweather ay hindi na dapat pang intindihin, ayon kay Arum.
“There are no issues,” wika kahapon ni Arum sa panayam ng Boxingscene.com. “There are no issues on that. We accepted the drug testing. That is not a real issue of any kind.”
Para maiwasan si Pacquiao sa dalawang beses na pagtatangka ni Arum na itakda ang kanilang laban, ginamit ni Mayweather ang mga isyu sa hatian sa premyo pati na ang pagsasailalim nila sa random drug testing.
Sa pag-atras ni Maywather, may 41-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 26 KOs, hinugot ni Arum bilang kalaban ni Pacquiao sina Joshua Clottey ng Ghana at Antonio Margarito ng Mexico.
Kapwa binigo ni Pacquiao sina Clottey at Margarito via unanimous decision.
Hindi na iisyu para kay Arum ang drug testing kung saan pinaratangan ni Mayweather ang Sarangani Congressman na gumagamit ng performance-enhancing drugs (PEDs) sa bawat laban nito.
Napatunayan naman sa isang drug testing na negatibo si Pacquiao sa paggamit ng PEDs.
Idedepensa ni Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) ang kanyang WBO welterweight title kontra kay Juan Manuel Marquez (53-5-1, 39 KOs) sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, habang hahamunin ni Mayweather ang 24-anyos na si Victor Ortiz para sa hawak nitong WBC welterweight crown sa Setyembre 17.