MANILA, Philippines - Nakatuon ang pansin ni Smart Gilas Pilipinas coach Rajko Toroman sa top three finish, habang kumpiyansa naman si team captain Chris Tiu na makakapuwesto sila sa top two sa William Jones Cup na magsisimula bukas sa Sinjhuang Stadium sa New Taipei City, Chinese, Taipei.
“We're hoping to finish in the top three even though we expect a tough field in the Jones Cup,” wika ni Toroman, nakatakdang makasama ang Nationals sa pagbiyahe sa Chinese Taipei ngayon sakay ng isang Phl Airlines flight.
“Coach Rajko thinks we have a chance at a top three finish but I'm confident we could be in the top two,” sabi naman ni Tiu.
Ang lakas ng loob nina Toroman at Tiu ay base na rin sa ipinakitang laro ng Smart Gilas sa import-laden FIBA-Asia Champions Cup kung saan sila nakapasok sa semifinal round at sa kanilang inilaro sa Smart Ultimate All-Star Weekend laban sa isang NBA selection.
“The Jones Cup would be a good experience for us because we're going to play strong teams that would make us tougher in time for the Wuhan tournament,” ani Toroman.
Gagamitin ng Serbian mentor, iginiya ang Iran National team sa 2008 Olympics at sa World Championship, ang naturang nine-day event bilang sukatan kung paano maglalaro ang Nationals sa FIBA-Asia Championship, ang London Olympics qualifier na nakatakda sa Setyembre 15-25 sa Wuhan, China.
Maglalaro sa Jones Cup ang mga powerhouse teams na Iran, Jordan at South Korea na inaasahang magpapahirap sa Smart Gilas.
Unang makakasagupa ng Nationals ang Jordan sa Agosto 6 kasunod ang United Arab Emirates sa Agosto 7.