MANILA, Philippines - Tatangkain ngayon ng Philippine Army at San Sebastian na makasalo sa lideratong pansamantalang hawak ng Ateneo sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 2-0 karta ang first conference champion Lady Eagles pero pahinga sila ngayon kaya’t may tsansa ang Army at Lady Stags na gawing tatlo ang nangunguna sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at suportado rin ng Accel, Mikasa at Maynilad Water.
Kalaban ng Army spikers ang Air Force sa ganap na alas-2 ng hapon habang ang Baste ay makikipagsukatan sa Navy dakong alas-4.
Ang huling laro sa triple-header game ay sa pagitan ng Maynilad at Perpetual Help dakong alas-6 ng gabi.
Ang Army ay sariwa sa four-set panalo sa Navy nitong Martes habang ang Lady Stags ay unang nanalo sa Air Force nitong Linggo.
Madalas na magkita ang Army at Airforce kaya’t naniniwala si Army coach Rico De Guzman na magiging balikatan ang tagisan nila ng Airforce.
Si Michelle Carolino na gumawa ng 23 puntos kasama ang 2 blocks sa unang panalo, ang babandera sa Army laban sa husay nina Aiza Maizo, Cherry Rose Macatangay at Wendy Semana ng Air Force.
Ang Amerikanang import na si Lauren Ford kasama nina Jeng Baulee, Joy Benito at Rubin De Leon ang mga aasahan sa Lady Stags para manatiling walang dungis ang kasalukuyang karta.