MANILA, Philippines - Sapat na ang ipinakita nilang laro sa import-laced FIBA-Asia Champions Cup at sa isang exhibition game kontra sa ilang NBA superstars para maging kumpiyansa si coach Rajko Toroman sa pagsabak ng Smart Gilas Pilipinas William Jones Cup.
Nakatakdang magtungo ang Nationals sa Chinese-Taipei bukas para sa kanilang kampanya sa Jones Cup na didribol sa Agosto 6-14 sa Sinjhuang Stadium sa New Taipei City.
“I think the FIBA-Asia Champions Cup and our game against the NBA superstars proved that we’re very competitive,” ani Toroman. “Now we just need to play more games with the PBA players for us to be more cohesive.”
Katuwang sina Asi Taulava ng Meralco at Dondon Hontiveros ng Air21, tumapos ang Smart Gilas bilang sixth-placer sa FIBA-Asia Champions Cup.
Nakipagsabayan naman ang Nationals sa NBA team nina Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers, Kevin Durant ng Oklahoma City Thunder, Derrick Rose ng Chicago Bulls at Chris Paul ng New Orleans Hornets sa two-day Ultimate All-Star Weekend sa Araneta Coliseum.
Unang makakatagpo ng Smart Gilas sa Agosto 6 ang Asian powerhouse Jordan kasunod ang United Arab Emirates sa Agosto 7, ang South Korea sa Agosto 9, ang South Africa sa Agosto 10, ang Japan sa Agosto 11, ang Malaysia sa Agosto 12, ang host Chinese Taipei sa Agosto 13 at ang two-time Asian champion Iran sa Agosto 14.
Ipaparada ng Iran si 7-foot-2 Memphis Grizzlies center Hamed Haddadi, posible ring maglaro sa FIBA-Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 15-25 sa Wuhan, China na siyang qualifying meet para sa 2012 Olympic Games sa London.
Bukod kina Taulava at Hontiveros, dadalhin rin ng Smart Gilas sina 6’11 naturalized Marcus Douthit, Chris Tiu, Mark Barroca, JV Casio, Japeth Aguilar, Mac Baracael, Marcio Lassiter, Chris Lutz, Dylan Ababou at Jason Ballesteros.