MANILA, Philippines - Muntik nang nagbayad ang San Sebastian sa pagiging kumpiyansa sa laro nila ng Emilio Aguinaldo College nang manalo lamang sa 77-70 sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena, San Juan City.
Naghasik ng 19 puntos si Ronald Pascual habang 17 puntos at 9 rebounds naman ang ginawa ni Calvin Abueva pero kinailangan ng Stags ang husay din nina guards Anthony Del Rio at Jovit dela Cruz sa endgame para makaiwas sa upset na dala ng Generals.
“Medyo nag-relax ang mga bata pero hindi naman masyadong problema ito dahil mako-correct ito,” wika ni Stags coach Topex Robinson.
Nakadikit ang Generals sa 68-70 may 30 segundo sa orasan pero inagawan ni Del Rio si Jan Jamon tungo sa fast break dunk ni Pascual.
Tumibay na ang depensa ng Stags mula rito at sa opensa ay nagsanib sa limang free throws sina Dela Cruz at Abueva upang mapantayan uli ng Stags ang pahingang nagdedepensang kampeon na San Beda sa liderato ng liga.
Nalaglag naman sa 2-4 baraha ang Generals na humugot ng tig-16 puntos mula kina Claude Cubo, Joshua Torralba at Jamon.
Sa ikalawang laro, ipinalasap ng St. Benilde ang ikalawang masakit na kabiguan sa Jose Rizal University sa pamamagitan ng 78-77 panalo.
May career high 30 puntos si Carlo Lastimosa na kanyang tinuldukan sa pamamagitan ng lay-up sa huling 5-2 segundo para ibigay sa Blazers ang ikatlong panalo sa pitong laro.
SSC-R 77--Pascual 19, Abueva 17, Sangalang 15, Del Rio 10, Dela Cruz J. 6, Maiquez 6, Balucanag 2, Miranda 2, Antipuesto 0, Grilli 0, Vitug 0, Dela Cruz L. 0.
EAC 70--Cubo 16, Jamon 16, Torralba 16, King 9, Vargas 6, Chiong 3, Diolanto 2, Yaya 2, Morada 0, Paguia 0.
Quarterscores: 28-13; 43-26; 58-46; 77-70
CSB 78-- Lastimosa 30, Dela Paz 12, Romero 12, Taha 10, Tan 6, Altamirano 4, Sinco 3, McCoy 1, Deles 0, Grey 0.
JRU 77--Montemayor 12, Carampil 11, Kabigting 11, Villarias 9, Lopez 8, Almario 7, Paniamogan 6, Mendoza 5, Matute 4, Monserat 4, Apinan 0, Dela Paz 0.
Quartrescores: 14-19; 35-41; 54-58; 78-77.