Dadaan sa butas ng karayom
Hanggat wala pang ibang koponan maliban sa Talk ‘N Text na nakakapagtala ng walong panalo ay may pag-asa pa ang Alaska Milk na makarating sa best-of-seven finals ng 2011 PBA Governors Cup.
Iyan ang pananaw ni coach Tim Cone na nagsabing pipilitin nilang gawin ang nararapat nilang gawin para buhayin ang kanilang pag-asang makausad sa championship round.
Kung titingnan ang standings pagkatapos ng mga laro noong Linggo, isang koponan pa lang naman ang nalalaglag at ito’y ang B-Meg na may 5-7 record at isang game na natitira kontra Petron Blaze bukas. No-bearing na iyon para sa Llamados pero kailangan ng Boosters na magwagi upang manatiling “in the hunt” para sa ikalawang finals berth.
Nasungkit na kasi ng Tropang Texters ang unang ticket sa championship round matapos na durugin ang Gin Kings, 102-90, para sa kanilang 9-3 record.
Ang Gin Kings at Aces ay kapwa may 7-5 baraha, samantalang ang Petron at Rain or Shine ay may 6-5 at dalawang games na natitira.
Ang Rain or Shine ay puwedeng makapuwersa ng playoff para sa ikalawang finals slot kung magwawagi ito sa huling dalawang laro laban sa Aces bukas at sa Gin Kings sa Biyernes. Ito ay sa ilalim ng tournament format na nagsasaad na ang koponang mananalo ng apat sa limang semifinal games ay makaka-playoff para sa ikalawang finals berth.
So, ang laro sa pagitan ng Elasto Painters at Aces bukas ay “crucial.” Isa sa kanilang dalawa ang mananatiling buhay ang pag-asang umusad sa Finals. Ang matatalo’y tuluyang malalaglag kasama ng B-Meg.
Kung ikukumpara ang dalawang teams, masasabing parehas sa import na kapwa 6-4 ang height so cancelled out na dun. Sa locals na lang magkakatalo.
Ang siste’y dalawang Aces ang hindi makapaglalaro bunga ng injury at ito’y sina Cyrus Baguio at Wesley Gonzales. So, dito puwedeng lumamang ang Elasto Painters.
Pero wag mong sasabihin kay coach Tim Cone iyan. Kasi nga, naniniwala si Cone na kaya ng Aces na lampasan ang crisis na ito. Hindi nga ba’t tinalo nila ang B-Meg kahit na wala ang dalawang locals na iyon?
“We’ll just do what we can do,” ani Cone. “Wesley is out for the rest of the season because of a miniscus tear. Cyrus is on a day-to-day basis. If we make it to the Finals, he will play. If not, then it’s next season for him.”
Ang maganda sa Alaska Milk ay ang pangyayaring ang mga manlalarong dati’y maikli lang playing time ay nakapagpapakitang-gilas at pumupuno sa kawalan ng kanilang mas exposed na kasamang ngayon ay injured. Sa totoo lang, marami naman talagang puwedeng pakinabangan si Cone.
Pero teka, laban sa Rain or Shine bukas ay mababawasan pa yata sila ng isang sentro dahil sa na-thrown out si Jay-R Reyes sa laro kontra B-Meg nang sapakin niya sa ulo si Jerwin Gavo. Flagrant Foul Penalty Two ang isinampal sa kanya.
Kung masususpindi nga si Reyes, aba’y dadaan sa butas ng karayom ang Aces kontra Elasto Painters na gigil na gigil makarating sa Finals sa kauna-unahang pagkakataon.
Kaya nga kinuha ng Rain or Shine management si coach Joseller “Yeng” Guiao noong Enero, hindi ba? Umaasa sila na maigigiya ni Guiao ang Elasto Painters patungong Finals.
Tingnan natin kung sino ang mas matatag sa Alaska Milk at Rain or Shine.
- Latest
- Trending