MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na boxing career nina Dodie Boy at Gerry Peñalosa, si Dodie Boy Peñalosa, Jr. naman ang susubok na makamit ang nakamtan ng magkapatid na world boxing champions.
Nakatakdang harapin ng 21-anyos na si Dodie Boy, Jr. ang 34-anyos na si Kong Kiatpracha ng Thailand sa Agosto 6 sa Mandaue Sports Complex sa Cebu City.
Dala ni Dodie Boy, Jr. ang kanyang 5-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 5 KOs kumpara sa 5-8-1 ni Kiatpracha.
“Marami pa siyang dapat i-improve kagaya ng defense at footwok niya,” sabi ng kanyang amang si Dodie Boy, Sr. (31-7-2, 13 KOs) na ang tunay na pangalan ay Diosdado.
Si Dodie Boy, Sr. ang nagkampeon sa IBF light flyweight at flyweight division.
“Lahat ng dapat ibigay sa kanya ay ibibigay natin para makatulong sa boxing career niya,” wika naman ng tiyuhin ni Dodie Boy, Jr. na si Gerry (55-8-2, 37 KOs) na naghari sa WBC super flyweight at WBO bantamweight class.
Upang lalo pang kuminang ang boxing career ni Dodie Boy, Jr., isinama siya sa undercard ng banggaan nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Of course, nandoon ang pressure. Malaki ang expectations sa akin. Pero siyempre, kumpiyansa ako sasarili ko dahil sa suporta ng pamilya ko,” ani Dodie Boy, Jr.
Ang laban ay isasaere ng GMA 7 sa Linggo.
Nagposte si Dodie Boy, Jr. ng 27-0-0 (20 KOs) slate sa kanyang amateur career.