MANILA, Philippines - Naisulong ng San Beda College ang kanilang malinis na karta sa 6-0 matapos kalusin ang Letran College, 77-62, sa 87th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 21 puntos si Garvo Lanete, habang ang mga malalaking manlalaro na sina Dave Marcelo at Kyle Pascual ay naghatid ng tig-12 puntos para sa Red Lions na ginamit rin ang mahusay na rebounding upang ipalasap sa Knights ang ikalawang pagkatalo matapos ang anim na laro.
Tinalo ng Red Lions ang Knights sa rebounding, 46-40, gayong ang huli ang number one sa aspetong ito sa kanilang halos 52 boards average.
Sa first period pa lamang ay nagtrabaho na agad ang San Beda at lumayo sa 20-10.
Mula rito ay nagpatuloy ang pagragasa ng Red Lions na hinawakan ang pinakamalaking kalamangan sa 50-31 sa kalagitnaan ng ikatlong yugto.
Si Kevin Alas ay mayroong 20 puntos para pangunahan ang Letran na natalo sa Red Lions sa 11 sunod na pagkakataon mula pa noong 2008.
Ipinakita naman ni Allan Mangahas kung bakit siya kinikilala bilang isang respetadong shooter nang maipasok niya ang tres bago tumunog ang final buzzer at ibigay sa Mapua ang 73-70 panalo laban sa Arellano University sa unang laro.
Ibinalik si Mangahas sa laro sa huling 4.2 segundo at matapos makuha ang inbound ni Jonathan Banal ay nalusutan ang depensa ni Vergel Zulueta para ibigay sa Cardinals ang ikalawang sunod na panalo matapos ang 0-4 panimula sa liga.
May 14 minuto lamang naglaro si Mangahas mula sa bench at pitong puntos ang kanyang kinamada pero sapat para ipanalo ang Cardinals.
May 17 puntos,15 rebounds at 3 assists si Yousef Taha para pangunahan ang tropa ni coach Chito Victolero.