ASTANA, Kazakhstan - Ang 15-anyos na pambato ng Zamboanga na si Eumir Felix Marcial ang naging kauna-unahang Pinoy na sumikwat ng gold medal sa AIBA Junior World Boxing Championships dito sa Kazakhstan Sports Palace.
Inangkin ni Marcial ang ginto sa 52-kilogram division matapos talunin si Onat Cengiz ng Turkey sa finals via 9-7 win.
Sa labanan ng dalawang kaliwete, nakontrol ni Marcial ang kanilang salpukan ni Onat hanggang sa gitna ng second round.
“Nakatama ako ng mga left straight sa katawan niya sa second round. Nang makita kong nasasaktan siya, ipinagpatuloy ko lang ‘yung ginagawa ko,” sabi ni Marcial.
Nakuha ni Marcial ang first round, 3-2.
Naging mahigpit naman ang depensa ni Marcial pagsapit ng third round kontra sa atake ng Turkish fighter.
Bago makarating sa finals, tinalo muna ni Marcial ang mga amateur pugs ng Armenia, Azerbaijan at Belarus.
Pinabagsak ni Marcial si Vaha Eduard ng Belarus sa opening round pa lamang ng kanilang laban.
Humanga naman si AIBA President Dr. Ching-Kuo Wu saipinakita ni Marcial.
"I suggest that your organization take care of this kid because has exciting potentials. I hope to see him in the 2016 Olympics," wika ni Wu.