Oba-ob niyanig si Villanueva sa PBaRS Davao leg
MANILA, Philippines - Kinalos ni Rabie Jason Oba-ob ang national player Gabriel Villanueva para sa upset panalo sa idinadaos na third leg ng MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PbaRS) kahapon sa Wheel ‘N More badminton courts sa Davao City.
Naglalaro sa Team Prima/Yonex, tumagal lamang ang laban sa loob ng 30 minuto at lutang ang galing ni Oba-ob sa kinuhang 21-15, 21-15, panalo sa sixth seed na si Villanueva para makaabante sa third round ng Mens Open singles ng palarong handog nina VP at PBA president Jejomar Binay, Rep Albee Benitez at businessman/sportsman Manny V. Pangilinan.
Kalaban ni Oba-ob si Charlo Tengco ng Golden Shuttle Foundation/UP Diliman na nangibabaw sa mahigpitang laban kontra kay Sherman Olalia, 20-22, 21-19, 21-8.
Ang nagdedepensang kampeon na si Antonino Gadi ng GSF ay nanalo naman kay Miguel Leonardo, 21-18, 21-3, para harapin ang 8th seed Carlos Cayanan na tinalo si Randy Bermejo, 24-22, 21-18.
Ang iba pang nanalo ay sina fourth seed Peter Magnaye, Aries delos Santos, Jopser Escueta, Randolph Balatbat, Ronel Estanislao, Jaime Junio Jr. at Jobett Co.
Nagwagi naman si Jules Abarasado kay John Orellano, 19-21, 21-16, 21-12, para pangunahan ang boys’19-Under singles sa limang araw na torneo na suporatado rin ng PLDT-Smart Foundation, Victor PCOME Industrial Sales, Gatorade at Powersmash, The Philippine STAR, TV5, Badminton Extreme Philippines Magazine, Jam 88.3, Wave 89.1, Magic 89.9, 99.5 RT and 103.5 WOW! bilang media partners.
- Latest
- Trending