Pinoy paddlers tuloy ang pagsagwan sa US kahit...
MANILA, Philippines - Maski walang tulong-pinansyal mula sa sport agency at suporta mula sa Olympic committee ay magsisikap pa rin ang koponan ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) na makapagbigay ng karangalan sa bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa bigating 10th IDBF World Dragon Boat Racing Championships na nakatakda sa Agosto 1-7 sa Tampa, Florida, USA.
Ang mga paddlers, naghari sa men's 200-meter event sa 2007 at 2009 World Dragon Boat Championships sa Sydney, Australia at Prague, Czech Republic, ayon sa pagkakasunod, ay suportado ng Philippine Airlines at Cobra Energy Drink.
Ipinoste ng grupo ang world record time na 42.16 segundo sa Sydney, Australia at 40.02 naman sa Prague, Czech Republic kung saan rin nila nakuha ang gintong medalya sa mixed division.
Sa kabila ng pagkuha sa qualifying time na itinakda bilang kriterya ng Philippine Olympic Committee (POC) ay hindi pa rin sila pinayagang makasali sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Hindi rin pumayag ang PDBF na mapasailalim sa canoe/kayak federation na ipinag-uutos ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. na siyang tuluyang nagpatalsik sa grupo sa POC.
“Ipagpapatuloy pa rin namin ang pag-compete para sa bansa natin kahit na wala silang suporta sa amin,” sabi ni PBDF president Marcia Cristobal sa POC at PSC.
Ang 25-man team ay pinangungunahan ni team captain Usman Anterola kung saan ang mga miyembro nito ay nagmula sa Philippine Army, Navy, Air Force, Coast Guard personnel at ilang civilian women paddlers.
- Latest
- Trending