MANILA, Philippines - Nagising ang La Salle sa mahabang pagkakatulog upang masawata ang pagkulapso sa kinuhang 74-63 panalo sa National University sa pagpapatuloy ng 74th UAAP men’s basketball kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inakala na tatambakan nang husto ng Archers ang Bulldogs nang mahawakan ang 59-36 sa halftime ngunit dalawang free throws at 0-of-15 ang naging simula ng koponan sa second half para makadikit ang katunggali sa 61-54.
Ngunit magkasunod na buslo ni Jaerlan Tampus, may apat din si LA Revilla habang isang tres ang pinakawalan ni Luigi Dela Paz para ilayo na ang tropa ni coach Dindo Pumaren sa 74-60.
“We just keep on playing despite missing out shots,” wika ni Revilla na siyang bumandera sa koponan sa naitalang 19 puntos, 5 rebounds at 6 assists para sa ikalawang sunod na panalo at 2-2 karta ng Archers.
Si Glenn Khobuntin ay may career high 21 puntos at 7 rebounds habang si Bobby Ray Parks Jr. ay tumapos taglay ang 13 puntos, 5 rebounds at 3 steals pero hindi nila napigil ang paglaglag ng NU sa ikatlong sunod na pagkatalo tungo sa 1-4 baraha.
Walang humpay na laro ang ipinakita ng Adamson upang durugin ang UE, 85-54, sa unang labanan.
Ikatlong sunod na panalo ito ng Falcons para makasalo ang pahingang FEU sa ikalawang puwesto sa 3-1 baraha.