La Salle, Adamson may misyon sa UAAP

MANILA, Philippines - Makapagtala ng unang winning streak sa season ang balak ng La Salle sa pagbabalik aksyon ng 74th UAAP men’s basketball ngayon sa Philsports Arena, Pasig City.

Kalaban ng Archers ang National University sa tampok na laro dakong alas-3 at sisikapin nilang maipakita ang larong naghatid ng 79-67 panalo sa UP sa huling sagupaan.

Ikatlong sunod na ta­gumpay na magtutulak sa koponan para makasalo sa ikalawang puwesto ang pagtutuunan ng Adamson sa pagharap sa wala pang panalong UE sa unang laro ganap na ala-1 ng hapon.          

Patok ang Falcons sa Warriors lalo nga’t dinurog nila ang FEU,78-59, at UST, 81-71, para maipakitang nakabalikwas na sila mula sa masaklap na 55-51 pagyukod sa Ateneo sa unang laro sa labanang kanilang dinomina bago kumulapso sa huling yugto.

“Ang mga mali namin sa unang dalawang game sa tingin ko ay naitama na. Nagpapakita na sila ng better ball movement at nakukuha na ng mga bigmen ko ang rebounds,” wika ni La Salle coach Dindo Pumaren na sinimulan ang kampanya mula sa 65-74 at 72-81 pagyuko sa FEU at Ateneo.

Si LA Revilla pa rin ang aasahan sa iskoring pero may aagapay na sa kanya tulad nina Luigi Dela Paz at Jaerlan Tampus habang ang mga higanteng sina Yutien Andrada, Arnold Van Opstal at Norberto Torres ang mamamahala sa rebouding.

Sa masigasig na paglalaro sa shaded area, ang Archers ay humablot ng 64 rebounds sa huling laro at kinapos lamang ng apat sa 68 record ng Ateneo na ginawa apat na season na ang nakalipas.

Tiyak namang gagawa ng pangontra si NU coach Eric Altamirano upang maibangon ang koponan na ngayon ay lugmok sa 1-3 karta.

Patuloy na sinisikap ni rookie Bobby Ray Parks Jr. na balikatin ang koponan ngunit kailangan niya ang tulong ng mga beterano sa pangunguna ni 6’7” center Emmanuel Mbe.

         

Show comments