ASTANA, Kazakhstan --Kaagad na napatalsik sa torneo si pinweight Rence Bryan Magarce matapos mabigo kay Russian teen Denis Chmykhin, 9-10, sa men’s 46-kilogram division sa AIBA World Jr. Boxing Championships dito sa Kazakhstan Sports Palace.
Nagdesisyon ang coaching staff na isabak si Magarce sa sparring sessions laban sa mga nasibak nang boksinegro sa torneo.
Nakatakdang makipag-spar si Magarce kay Shyam Kumar Kakara, isang Indian fighter na natalo kay qualifier Dmytro Zamotayev ng Ukraine.
“He did well against his Russian opponent and for a young fighter like him it’s a must to keep him busy. This is also his first time abroad. We need to make him used to keeping himself in shape the rest of the tournament,” wika ni head coach Romeo Brin.
Dinomina ng 14-anyos na si Magarce si Chmykhin sa first round hanggang kapusin sa final round para isuko ang laban.
Samantala, nakikipaglaban naman sa 52kg class si Eumir Felix Marcial para sa garantisadong bronze medal kontra kay Nasraddin Mammadov ng Azerbaijan habang isinusulat ang balitang ito.