'Mission Impossible' sa Azkals
MANILA, Philippines - Kailangan nang tawagin ng Philippine Azkals ang lahat ng kilala nilang santo upang maungusan ang 3-0 panalo ng Al-Azraq ng Kuwait sa first leg sa kanilang banggaan sa second leg sa second round ng 2014 World Cup Asian Qualifiers ngayong alas-7 ng gabi sa Rizal Memorial Football Stadium.
Para talunin ang Al-Azraq at umabante sa third round, dapat umiskor ng 5-1 panalo ang Azkals, ayon na rin sa FIFA Laws of the Game.
“If the aggregate score is equal after the second match, any goals scored at the ground of the opposing team will count double,” nakasaad rito kung saan sakaling magtala ang Azkals ng 4-1 iskor para sa 4-4 aggregate ay ang Al-Azraq pa rin ang mananalo.
Ito ay dahil sa dobleng pagkakabilang ng ‘away goal’ ng Al-Azraq sa first leg.
Sakaling magtabla ang iskor matapos ang dalawang extra time, maglalaban ang Azkals at Al-Azraq sa sudden-death penalty kicks. Ang bawat koponan ay palitang sisipa ng limang penalty kicks.
Ang unang tropang hindi makapagpapasok ng goal ang siyang matatalo.
“However, if after five kicks and neither is able to score or the scores are still tied, kicks continue to be taken in the same order until one team has scored a goal more than the other from the same number of kicks,” nakasaad sa FIFA Laws of the Game.
Tinalo ng Azkals sa first round ang Brave Reds ng Sri Lanka sa 5-1 aggregate matapos kunin ang 4-0 panalo sa second leg sa Rizal Memorial Football Stadium mula sa 1-1 draw sa first leg sa Colombo, Sri Lanka noong Hunyo.
“Kuwait’s players’ well-mapped-out positions and strategies made it difficult for us to defend. It would take another couple of years for us to reach… such a level, sabi ni German coach Michael Weiss sa Kuwait, ang No. 102 sa FIFA world rankings kumpara sa pagiging No. 159 ng Azkals.
“What matters is really the conversion of our chances. If we can maintain our shape and make sure na ma-convert natin ‘yung mga chances natin, I think we’ll be okay,” wika ni team manager Dan Palami.
Weiss kumpiyansa sa pagbabalik nina Borromeo, Schrock
Ang defensive presence nina team captain Aly Borromeo at midfielder Stephan Schrock ang sinasabing hinanap ng Philipine Azkals sa kanilang 0-3 pagyuko sa Al-Azraq ng Kuwait sa first leg sa second round ng 2014 FIFA World Cup Asian Qualifiers noong Hulyo 23 sa Kuwait.
Sa pagbabalik nina Borromeo at Schrock matapos masuspinde bunga ng naipataw na yellow cards sa tagumpay ng Azkals sa Brave Reds ng Sri Lanka sa first round, kumpiyansa si German coach Michael Weiss sa tsansa ng koponan laban sa Kuwait.
“I think Stephan and Borromeo coming back will give us a boost, and we will have more offensive action,” sabi ni Weiss sa dalawang Azkals na matibay na depensa nila sa midfield.
Sinabi ni Borromeo na magiging agresibo ang mga Azkals laban sa Al-Azraq.
Aasahan rin ni Weiss ang depensa ni Schrock sa midfield kagaya ni Borromeo.
Isasabay ni Weiss si Schrock kina Phil at James Younghusband, Angel Guirado at Chieffy Caligdong sa front line ng Azkals.
- Latest
- Trending