Bagong FIBA rules gagamitin sa NAASCU
MANILA, Philippines - Pangungunahan ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universites (NAASCU) ang pagtuklas ng mga mahuhusay na basketbolista sa bansa.
Mangyayari ito dahil ipaiiral ng liga ang pagbibigay karapatan sa mga 18-anyos na basketbolista na maglaro sa high school teams kahit nag-aaral na ang mga ito sa kolehiyo.
“Bagong rules ito ng FIBA at 18-under ang age bracket sa juniors division. Gagawin namin ito sa NAASCU para ang mga manlalarong nasa ganitong age group na nasa kolehiyo pero ‘di mabigyan ng pagkakataong makapaglaro sa ibang liga ay may tsansang maipakita ang angking husay,” wika ni Mel Garrido ng STI nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue.
Nasa ika-11th taon na ang NAASCU at itinuturing bilang ikatlong pinakamagandang collegiate league sa bansa kasunod ng NCAA at UAAP.
“Kung sa pag-produce siguro ng talent sa basketball ay nakakahabol na kami. Patunay rito ay ang mga panalong nakukuha ng NAASCU teams laban sa NCAA at UAAP sa mga pre-season tournaments. Sa bagong age limit, mas makakatulong pa kami sa pag-expose ng mga players,” ani pa ni Garrido.
Sampung koponan ang maglalaban-laban para sa titulo sa taong ito at ang University of Manila ang siyang nagdedepensang kampeon.
Ang iba pang kasali ay ang runner-up na STI, New Era College, Fatima, Pamantasan ng Lungsod ng Pasay, Informatic College, AMA Computer, Centro Escolar University at host school St. Clare.
Ang ikasampung koponan ay ang baguhang Grace College.
Bubuksan ang liga sa Biyernes sa Makati Coliseum sa ganap na alas-8 ng umaga at ang seremonya ay katatampukan ng pagbisita ni PBA commissioner Atty. Chito Salud at Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios.
- Latest
- Trending