Knights nais makabangon sa kabiguan, sa Blazers babawi
MANILA, Philippines - Masusukat uli ang husay ng Letran sa pagbangga sa College of St. Benilde sa 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ganap na alas-2 ng hapon itinakda ang bakbakan ng Knights at Blazers na kapwa mag-uunahan sa pagbangon matapos matalo sa huling laro.
Nakita ng tropa ni coach Louie Alas na nagwakas na ang tatlong sunod na panalo nang hindi kayanin ang hamon ng mainit na San Sebastian 62-71.
Masasabing mas angat ang manpower ng Knights sa Blazers ngunit hindi matatawaran ang kakayahan ng koponan ni coach Richard del Rosario na kahit may 1-3 karta sa ngayon ay nakuha ang respeto ng liga nang muntik na nilang silatin ang nagdedepensang San Beda.
Nakasabay ang Blazers at nakalamang pa sa fourth period bago ito bumigay sa 78-79 pagkatalo.
Ikatlong panalo naman ang nais sungkitin ng Emilio Aguinaldo College sa pagharap sa nangungulelat na Mapua Cardinals sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Ang Generals ay huling naglaro noong Hulyo 15 at kinuha ang ikalawang panalo sa tatlong laro sa pamamagitan ng 73-67 tagumpay.
“Kulang pa sa maturity ang team pero hindi ito made-develop agad agad. Hopefully we will improve and managed to limit our turnovers,” wika ni EAC coach Gerry Esplana.
Ang Cardinals naman ay magnanais na wakasan na ang apat na sunod na kabiguan kasama ang 69-70 pagyukod sa Jose Rizal University sa larong nakalamang sila ng 14 sa huling yugto.
“Mental toughness ang kulang sa team. Laban kami hanggang third pero saka bumibigay. Maaring dahil pagod pa ang mga bata sa dami ng pre-season games namin. Pero hindi pa naman huli nag lahat and we can bounce back,” pahayag ni Cardinals mentor Chito Victolero.
- Latest
- Trending