Sure na ba ang TNT sa grand slam?
Parang idinidikta ng tadhana na makukumpleto ng Talk N Text ang Grand Slam sa 36th season ng Phiippine Basketball Association.
E, sa umpisa pa lang ng semifinal round ng Governors Cup ay kita na kaagad ang kumpiyansa ng Tropang Texters nang durugin nila sa ikalawang pagkakataon ang Alaska Milk, 103-85. At sa laban na iyon ay parang naglalaro lang at enjoy na enjoy ang Tropang Texters sa kanilang ginagawa.
Para ba’ng ngayon pa lang nagpi-peak ang Tropang Texters gayung hindi naman nila kailangang mag-peak dahil noon pa sila nasa itaas. Kasi nga nagkampeon sila sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
At nagtatagumpay si coach Vincent “Chot” Reyes na mapanatili sa itaas ang kanyang mga bata. O, mapanatiling buo ang konsentrasyon ng kanyang mga players na manalo sa kabila ng mga tagumpay na nalasap na nila.
Ito talaga ang challenge sa panig ni Reyes, e. Kasi, kapag nagkakampeon ang isang team, medyo lumalaylay na ang concentration ng players. Nakuha na nila ang gusto nila, e.
Pero hindi nga ganoon ang nangyayari sa Talk N Text. Ang gusto nila ay moralidad at saka napakalaking ‘bonus!”
At kaya natin nasabing kinakasihan ng kapalaran ang Tropang Texters ay dahil sa kumpleto pa sila. Nakabalik na sa active duty si Jared Dilinger at nakakuha pa sila ng mas mahusay na import sa katauhan ni Scottie Reynolds.
Kung ipagkukumpara ang anim na semifinalists, masasabi nating tanging ang Rain or Shine ang katulad ng Talk N Text. Wala na ring injured player ang Elasto Painters at matindi din ang import nitong si Arizona Reid. Nagbalik sa active duty si Ronnie Matias subalit hindi ito ginamit ni coach Joseller. ‘Yeng’ Guiao sa simula ng semis.
Kaya lang, hindi kasing lakas ng Talk N Text ang Rain or Shine. Tanging si Gabe Norwood ang maituturing na superstar sa team na ito. Kung superstar nga siya. Pero sa sistema ni Guiao ay walang superstar at ‘one of the boys’ lang si Norwood.
Ang siste’y nasa magkabilang dulo ng standings ang Tropang Texters at Elasto Painters. Nalasap ng Rain or Shine ang ikalimang talo nito sa siyam na laro matapos na maungusan sila ng B-Meg Llamados, 99-98 noong Biyernes. Dahil doon ay parang malabo na makarating sa Finals ang Rain or Shine. Kailangang maipanalo ng Elasto Painters ang natitirang apat na laro para makapuwersa ng playoff para sa ikalawang Finals berth sa ilalim ng incentive scheme ng torneo.
Ang apat na ibang semifinalists ay pawang hindi kumpleto o nabawasan ang line-up.
Nawala sa Alaska Milk si Joe Devance bago nagsimula ang torneo at nalipat ito sa B-Meg. Pero sa pagtatapos ng elims ay nagtamo naman ng injury si Cyrus Baguio at hindi nga nakapaglaro noong Biyernes.
Hindi na makapaglalaro sa Petron Blaze si Anthony Washington na isang perennial contender para sa Most Valuable Payer award. At hanggang ngayon ay nangangapa pa sila sa pagkawala ng mga tulad nina Danny Seigle, Dondon Hontiveros at Dorian Peña.
Ipinamigay ng Barangay Ginebra si Willy Miller samantalang hindi na maglalaro si Enrico Villanueva na may injury at Rudy Hatfield na umuwi sa Estados Unidos.
Nami-miss ng B-Meg sina Rico Maierhofer, Kerby Raymundo at Jonas Villanueva na pawang may injuries. baka sakaling makabalik si Raymund pero, malaking kawalan pa rin ang dalawang ibang players.
So, kung may kawalan ang mga kalaban ng Talk N Text, paano makakasabay ang mga ito sa Tropang Texters?
Pass your paper na?
- Latest
- Trending