ASTANA, Kazakhstan--Si Filipino prospect Eumir Felix Marcial ang unang lalaban para sa Team Philippines ngayon sa AIBA Junior World Boxing Championships.
Haharapin ng Zamboanga native sa 52kg division si Henrik Hovannisyan ng Armenia dito sa Kazakhstan Sports Palace.
Isang gold medalist at nadiskubre ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa kanilang national championships sa Cagayan De Oro City, ang 15-anyos na si Marcial ay lalaban sa kanyang unang international event.
“Hindi po ako natatakot. Talagang gusto kong lumaban para sa bansa natin,” sabi ni Marcial. “Handang-handa na ako sa laban.”
Kumpiyansa naman ang three-time Olympian at head coach na si Romeo Brin sa tsansa ng kanyang mga boksingero na nagsanay sa Japan, Belarus, Latvia at Pakistan.
“Though they’re young and new to the environment, they showed poise and are very focused with their main objective here and that is first and foremost to win their initial assignment,” wika ni Brin.
Samantala, lalabanan naman ni South Cotabato native Rence Bryan Magarce si Denis Chmykhin ng Russia bukas sa kanilang 46kg bout.
Si Chmykhin ay lumaban sa 2010 European School Boys championships sa Bulgaria kung saan niya nakuha ang silver matapos matalo kay Araz Gulmammadov ng Azerbaijan sa 38.5kg Finals.