Magkapatid na Lizardo babandera sa SMART national taekwondo team tourney
Manila, Philippines - Ipapakita ng magkapatid na sina Japoy at Jyra Lizardo ang angking husay sa gaganaping 34th SMART National Taekwondo Championships sa Makati Coliseum sa Hulyo 30 at 31.
Ang magkapatid na Lizardo ay pambato ng Pilipinas sa puwesto sa London Olympics at magagamit nila ang kompetisyong inorganisa ng Philippine Taekwondo Association (PTA) para mas mapaghandaan ang malalaking kompetisyon na kanilang haharapin.
Tinatayang aabot sa 2,000 ang jins na lalahok mula sa ARMM, CARAGA, CAR at NCR bukod pa sa mga PTA chapters sa pangunguna ng kampeon na UST-Black, UE, D’Club at mga sangay ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Gagamitin din sa unang pagkakataon ng PTA ang electronic scoring system na PSS (Protective Scoring System) para makaiwas sa mga human error sa junior at senior divisions.
Ang PSS ay ginagamit na sa mga malalaking kompetisyon sa labas ng bansa ayon kay Grandmaster Sung Chon Hong.
Ang kompetisyong ito ay handog ng SMART Communications, PLDT, Milo, Philippine Sports Commission at MVP Sports Foundation at magkakaroon ng anim na kategorya na paglalabanan sa dalawang araw na torneo na senior, junior, gradeschool (boys at girls).
Sina Lizardo ay babandera sa La Salle habang bang iba pang Olympic hopefuls na sina Marlon Avenido at Jade Zafra ay kakamada para sa UST.
Ang iba pang koponan ay mula sa Ateneo, CSB, FEU, LSGH, Lyceum, Letran, San Beda College, Don Bosco Makati, Team Baguio, Negros Taekwondo Union, UTA-Makati, DPS, Olympia, TUP, DLSZ, CEU, VAS Gym, Las Piñas Gym, Philippine Navy, Air Force, Army at Central Gym.
Ganap na alas-9 ng umaga sisimulan ang eliminasyon habang ang opening ceremony ay sa ganap na ala-1 ng hapon.
- Latest
- Trending