Bedans, JRU nakalusot
MANILA, Philippines - Kumapit ang suwerte sa mga koponan ng San Beda at Jose Rizal University nang malusutan ang matinding hamon ng mga nakalaban sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumana ng tatlong tres at 11 puntos sa huling yugto ang rookie na si Baser Amer habang sinaksihan ng Red Lions ang pagmintis ni Carlo Lastimosa sa kanyang drive tungo sa 79-78 panalo sa College of St. Benilde.
“Ako lang yata sa team ang naniwalang kayang makapagtala ng upset ang St. Benilde sa amin. A win is a win pero mas may ilalabas pa kami kung talagang nagseryoso sila,” wika ng dismayadong San Beda coach na si Frankie Lim.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Lions sa taon at 22 dikit kung isasama ang 18-0 sweep at nakuha nila ito sa tulong din ni Kyle Pascual na may 16 puntos, 7 rebounds at 2 blocks at Garvo Lanete na may 12 puntos sa masamang 5 of 21 shooting ngunit bumawi sa kanyang 9 rebounds at 4 assists.
Pero ang huling yugto ay nababagay kay Amer na mayroon ding 2 rebounds at 7 assists at walang turnover sa 19 minutong paglalaro.
Wala siyang naiskor sa unang tatlong yugto ng bakbakan ngunit nabuhay sa huling 7:10 ng labanan nang hinawakan ng Blazers ang 64-62 kalamangan.
Tatlong tres ang binanatan ni Amer bukod pa sa isang assist para kay Pascual para itulak ang Lions sa 77-71.
Ngunit di bumigay agad ang Blazers at ang lay-up ni Jonathan Grey ang naglapit sa isa sa koponan, 79-78.
Muntik ng naging kontrabida si Amer dahil naisablay niya ang dalawang freethrows sa huling 8.9 segundo sa orasan ngunit ang buslo ni Lastimosa ay tumama sa backrim para malaglag ang Blazers sa ikatlong kabiguan sa apat na laro.
Nauna rito ay ang pagbangon ng Heavy Bombers mula sa 14 puntos pagkakalubog, 50-64, tungo sa 70-69 panalo sa minamalas na Mapua Cardinals.
- Latest
- Trending