MANILA, Philippines - Dumating na kahapon sa Ninoy Aquino International Aiport ang mga NBA superstars na makikita sa Ultimate All-Star Weekend ngayong gabi at bukas ng hapon sa Araneta Coliseum.
Kabilang sa mga dumating ay sina reigning Most Valuable Player Derrick Rose ng Chicago Bulls, All-Star Chris Paul ng New Orleans Hornets, NBA scoring champion Kevin Durant ng Oklahoma City hunder dating Rookie of the Year Tyreke Evans ng Sacramento Kings at Washington Wizards center Javalee McGee.
Nasa bansa na rin sina James Harden ng Oklahoma City Thunder, rookie Derrick Williams ng Minnesota Timberwolves at veteran Los Angeles Lakers guard Derek Fisher.
Lumapag naman ang eroplanong sinasakyan ni LA Lakers superstar Kobe Bryant sa Ninoy Aquino International Airport kahapon ng alas-2:30 mula sa Shanghai, China para sa kanyang Nike Asian Tour.
Ang nasabing nine-man NBA selection ay sasagupa sa PBA All-Stars ngayong alas-7 ng gabi kasunod ang pakikipagtagpo sa Smart Gilas Pilipinas bukas ng ala-1 ng hapon sa Big Dome.
Bukod sa dalawang exhibition games, mamamasyal rin ang grupo ni Bryant sa ilang lugar sa Maynila.
At isa sa mga ito ay ang posibleng pakikipagkita kay Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
“I better see Pacquiao too! Big pictures,” wika ni Williams sa kanyang Twitter account.
Sina James Yap at Marc Pingris ng B-Meg, Mark Caguioa at JC Intal ng Ginebra, Arwin Santos at Rabeh Al-Hussaini ng Petron Blaze, Ryan Reyes, Jason Castro at Larry Fonacier ng Talk N’ Text, Sonny Thoss at LA Tenorio ng Alaska, Sol Mercado ng Meralco, Gary David ng Powerade, Gabe Norwood ng Rain or Shine at Danny Seigle ng Air21 ang bubuo sa PBA team.
Makikita naman sina Kelly Williams, Jimmy Alapag at Ranidel de Ocampo sa Smart Gilas kasama sina Asi Taulava ng Meralco at Dondon Hontiveros ng Air21 sa Smart Gilas.
Samantala, para sa isang organisasyon na kagaya ng PBA, isang karangalan at pribilehiyo ang makalaro ang ilang malalaking NBA superstars.
Inaasahan ni Yap ang isang magandang laro mula sa mga NBA stars na minsan lamang mangyari kagaya ng kanyang pagkopo sa MVP award.
“For sure, we’ll be amazed just seeing them in person. How much more playing them? This will really be a memorable experience,” ani Yap.
Tiniyak naman ng two-time PBA MVP winner na hindi basta-basta magpapatalo ang PBA selection laban sa mga NBA stars.
“We’re curious if we can shoot over a Kobe Bryant or if we can stop a Kevin Durant. We have this opportunity to see it now,” ani Yap.
Ito ang unang pagkakataon na ang isang grupo ng mga NBA players ay makikipaglaro sa PBA selection matapos noong 1978 nang isinama ng Washington Bullets ang Manila sa kanilang world tour makaraang makopo ang NBA crown kontra Seattle SuperSonics.