MANILA, Philippines - Sa labanan ng dalawang bigatin, lumutang ang husay ng San Sebastian upang kunin ang 71-62 panalo sa Letran sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 22 puntos, 10 rebounds at 5 blocks si Ian Sangalang habang 18 puntos at 10 rebounds ang ginawa ni Calvin Abueva at ang dalawang ito ang siyang nanguna sa huling yugto upang biguin ang Knights sa hangaring makabangon mula sa maagang pagkakalubog sa laro.
Ang magkasunod na buslo ni Kevin Alas ay naglapit sa Knights, na napag-iwanan sa 5-22 sa unang yugto, sa 48-51 bago kumawala ng tig-lima sina Abueva at Sangalang sa 11-0 bomba tungo sa pagtiyak ng ikaapat na sunod na panalo ng Stags.
Naglista ang ‘intrams’ player na si Gian Mallari ng 12 triples upang pangunahan ang guest team Lyceum sa 84-74 tagumpay sa Arellano University sa naunang bakbakan.