11 torneo nakalinya sa Pinoy shooters
MANILA, Philippines - Magiging abala ang Philippine National Shooting Association (PNSA) sa susunod na limang buwan na tutugon sa paghahanap ng mga bagong shooters para sa Pambansang koponan.
Papalo sa limang international tournaments at anim na local events ang nakalinya simula sa buwan ng Agosto na magsisimula sa isang 300m rifle event at magtatapos sa makasaysayang Philippine International Shotgun Open Championships sa Disyembre.
Ilalarga rin ang Philippine Collegiate Shooting Championships sa Setyembre, habang ang Philippine National Open ay nakatakda sa Oktubre na premyadong local events ng PNSA na hawak ng bagong pangulong si Dr. Mikee Romero.
Ang mga international events naman na sasalihan ay ang SEASA Rifle at Piston Tournament sa Laos sa Setyembre, ang Asian Airgun Championships sa Kuwait sa Oktubre, ang Asian Shotgun Championships sa Malaysia at 26th South East Asian Games sa Palembang, Indonesia sa Nobyembre.
“Gaya ng aking sinabi nang maupo ako bilang pangulo, isa sa nais kong gawin ay ang mapalakas ang pool ng shooters at mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga local tournaments at pagsali sa international events. May mga international hosting tayo at mag-iimbita ng mga dayuhan sa hangaring maimbitahan din ang ating mga shooters sa kanilang mga palaro,”wika ni Romero nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kasama sina executive director Atty. Larry Paredes, VP Gay Corral at executive assistant Eric Arejola.
Ang pinakamalaking event ay ang Philippine International Shotgun Open dahil mga Olympians ang nakikitang sasali ni Romero dahil sa paglalagay ng $2,000 premyo sa mananalo sa trap at skeet events.
Sa kanilang plano, 20 bansa na kakatawanin ng tig-tatlong shooters ang isasali sa kompetisyong mula Disyembre 6 hanggang 14 at ito umano ang maglalagay sa Pilipinas sa mapa ng international shooting.
Mas darami ang torneong gagawin sa 2012 at lahat ng ito ay magkakaroon ng bunga kapag sumapit na ang 2016 Olympics.
- Latest
- Trending