Azkals talo uli sa Bahrain
MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling nakatikim ng kabiguan ang Philippine Azkals sa mga kamay ng Under-23 Olympic team ng Bahrain sa kanilang pangalawang friendly match.
Natalo ang Azkals sa Under-23 Olympic squad ng Bahrain, 1-3, kung saan si Filipino pride Emelio "Chieffy" Caligdong ang muling nakaiskor para sa koponan matapos ang kanilang 1-2 kabiguan noong Linggo.
Sinamantala ng Under-23 team ang mahinang depensa ni goalkeeper Ed Sacapano upang iposte ang 2-0 lamang sa first half hanggang maisalpak ni Caligdong ang isang header bago matapos ang yugto.
Isinama ni German coach Michael Weiss sa starting line-up sina Angel Guirado at Phil Younghusband bukod pa kina James Hall at Jose "OJ" Porteria.
Isinuot ni Hall ang jersey number ni Nate Burkey, samantalang ginamit naman ni Burkey ang No. 17 uniform ni Stephan Schrock at hiniram ni Porteria ang No. 15 ni Ricardo Becite.
Si Hall ay isang attacking midfielder para sa Everton FC sa Premier League sa England, habang si Porteria ay isang Filipino-American mula sa DC United Academy sa Virginia, USA.
Hinugot nina team captain Aly Borromeo at Anton del Rosario si Porteria buhat sa mga Fil-Am players na lumahok sa kanilang try-outs sa Daly City, California noong Abril.
- Latest
- Trending