MANILA, Philippines - Matapos si 2011 NBA MVP at dating Rookie of the Year Derrick Rose ng Chicago Bulls, si Kevin Durant naman ng Oklahoma City Thunder ang magiging pinakabagong NBA superstar na nadagdag sa NBA All-Stars na makikipaglaro sa Smart Gilas Pilipinas at PBA selection sa Hulyo 23 at 24 sa Araneta Coliseum.
Kinumpirma ni Talk 'N Text coach Chot Reyes, tatayo ring mentor ng PBA selection, sa kanyang Twitter account ang paglalaro ni Durant sa Ultimate All-Star Weekend.
“Bad news! Kevin Durant is replacing DeAndre Jordan in d Smart Ultimate Weekend. Bad news for us & Gilas. Great for Pinoy Bball fans,” sabi ni Reyes sa pagkakapalit ni Durant kay Jordan ng Los Angeles Clippers.
Si Jordan ay nagkaroon ng passport problem at hindi makakabiyahe sa bansa.
Ang Ultimate All-Star Weekend ay magtatampok kina Durant, Rose, five-time champions Kobe Bryant at Derek Fisher ng Los Angeles Lakers at dating ROY awardee Chris Paul ng New Orleans Hornets.
Maliban kina Bryant, Fisher, Rose, Paul at Durant, ang iba pang lalaro sa NBA squad ay sina guard Tyreke Evans ng Sacramento Kings, James Har den ng Oklahoma Thunder at Derrick Williams ng Minnesota Timberwolves.
Ang 6-foot-11 na si Durant ang naging pinakabatang scoring leader sa NBA sa dalawang sunod na seasons.
Makakaharap ng NBA team, papatnubayan ni Kobe bilang head coach, ang PBA selection ni Chot Reyes sa Hulyo 23 sa ganap na alas-7 ng gabi sa Big Dome.
Makakasukatan ng mga NBA stars ang Smart Gilas sa Hulyo 24 sa ganap na ala-1 ng hapon.
Sina James Yap at Marc Pingris ng B-Meg, Mark Caguioa at JC Intal ng Ginebra, Arwin Santos at Rabeh Al-Hussaini ng Petron Blaze, Ryan Reyes, Jason Castro at Larry Fonacier ng Talk N’ Text, Sonny Thoss at LA Tenorio ng Alaska, Sol Mercado ng Meralco, Gary David ng Powerade, Gabe Norwood ng Rain or Shine at Danny Seigle ng Air21 ang bubuo sa PBA team.
Maglalaro sina Kelly Williams, Jimmy Alapag at Ranidel de Ocampo sa Smart Gilas kasama sina Asi Taulava ng Meralco at Dondon Hontiveros ng Air21.