MANILA, Philippines - Bagamat nagkamali si World Cup-bound at top seed Grandmaster Wesley So sa kanyang King’s Indian duel kay US-based GM Banjo Barcenilla, nagawa pa rin niyang kunin ang isang 45-move victory sa fourth round ng National Chess Championships sa NPC Auditorium.
Ito ang pang apat na sunod na panalo ni So matapos igupo sina GMs Joseph Sanchez, Joey Antonio at Roland Salvador.
Halos makukuha na ni So ang pawn advantage bago isinakripisyo ni Barcenilla ang kanyang knight kapalit ng dalawang pawn upang makaiwas sa isang counter-play.
Ngunit hindi natinag si So, makakasama si GM Mark Paragua bilang kinatawan ng bansa sa World Cup sa Russia, upang talunin sa huli si Barcenilla at ungusan para sa liderato si GM Darwin Laylo.
Tinalo ng 31-anyos na si Laylo, naunang nanalo kina kay International Master Yves Ranola sa third round noong Linggo, si Sanchez via 49 move ng Slav.
“I made some inaccuracies in the opening,” wika ni So, nagkampeon sa unang tatlong edisyon ng nasabing annual event. “But I kept on finding a weakness and I found one and attacked that isolated c7 pawn.”
Nakipag-draw naman sina GM candidates Oliver Barbosa, Richard Bitoon at Rolando Nolte sa kani-kanilang mga kalaban.