MANILA, Philippines - Natuloy na ang matagal nang bulung-bulungan ukol sa pagdadala ng Barangay Ginebra kay two-time PBA Most Valuable Player awardee Willie Miller sa ibang koponan.
Ibinigay ng Ginebra si Miller sa Air21 kapalit ni 6-foot-6 KG Canaleta bukod pa ang isang future draft pick.
Ang six-footer na si Miller ang makakasama nina Wynne Arboleda at Josh Urbiztondo sa backcourt ng Express, unang tropang napatalsik sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup.
Naplantsa ang naturang trade sa Ginebra matapos ang 116-145 pagyukod ng Air21 sa Talk 'N Text noong Linggo na nagbigay sa kanila ng 0-8 baraha.
Ang Air21 ang magiging pang limang PBA team ni Miller matapos ang Red Bull, Talk 'N Text, Alaska Milk at Ginebra, habang nanggaling naman si Canaleta sa B-Meg bago bumalik sa Air21.
Si Canaleta, isang slam dunk champion, ay maaari nang maglaro para sa Gin Kings sa six-team semifinal round, samantalang kasamang magbabakasyon ng Express si Miller.
Sa pagkawala ng first round pick ng Express sa darating na 2011 PBA Rookie Draft, dalawa pang picks ang nasa kanilang mga kamay mula sa mga naunang trade deals sa Meralco at Talk 'N Text.
Ang ikalawang PBA team ng Lina Group of Companies, hawak rin ang Air21, ay ang Shopinas na kakatawanin ng anak ni Lina na si Shiela Lina sa PBA board of governors.
Samantala, ipaparada naman ng Tropang Texters ang kanilang ikalawang import na si Scottie Reynolds bilang kapalit ni Maurice Baker.
Si Reynolds ay naglaro sa Phoenix Suns sa Summer Camp ng NBA noong 2010 at isang dating All-American awardee galing sa Villanova.