Top seed puntirya ng Talk N Text sa Air21

MANILA, Philippines - Sa kabiguan ng Boos­ters sa sibak nang Tigers noong Biyernes, muling nakuha ng Tropang Texters ang liderato papasok sa semifinal round.

Hangad maging No. 1 team sa six-team semifinals cast, sasagupain ng Talk ‘N Text ang talsik nang Air21 ngayong alas-7 ng gabi sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.

Nanggaling ang Tropang Texters sa 93-91 paglusot sa wala na sa kontensyong Meralco Bolts noong Hulyo 13.

Sa nasabing panalo, umiskor sina Larry Fonacier at Ranidel De Ocampo ng tig-16 points, habang may tig-13 sina Jason castro at Ryan Reyes para saluhin ang malamyang inilaro ni import Maurice Bell na may 8 markers.

May 5-2 marka ang Talk ‘N Text kasunod ang mga semifinalists na ring Petron Blaze (5-3), Barangay Ginebra (4-2), Rain or Shine (4-3), Alaska             (4-3) at B-Meg (4-4) sa itaas ng mga sibak nang Meralco (3-4), Powerade (3-4) at Air21 (0-7).

Kasalukuyan pang naglalaro ang Gin Kings at Aces habang isinusulat ito.

Nanggaling naman ang Express sa isang 89-111 pagyukod sa Llamados noong Biyernes para sa kanilang pang pitong sunod na kamalasan.

Muling ibabandera ng Talk ‘N Text sina Baker, Fonacier, De Ocampo, Castro at Reyes katapat sina import Alpha Bangura, Dondon Hontiveros, Danny Seigle, Wynne Arboleda at Carlo Sharma ng Air21.

Ang Express ang unang tropang natanggal sa torneo matapos matikman ang kanilang pang apat na sunod na kabiguan.

Sa kabila ng maaga ni­lang pagbabakasyon, positibo pa rin ang pana­naw ni coach Bo Perasol sa magiging kampanya ng Air21 sa 37th season ng PBA sa susunod na taon kung saan isasaere ang mga laro ng TV-5 sa Channel 13.

Show comments