Archers 'di pa rin umubra sa Eagles
MANILA, Philippines - Sinamantala, ni Kiefer Ravena ang mahabang playing time na ibinigay sa kanya nang pangunahan ang Ateneo sa 81-72 panalo sa La Salle sa pagpapatuloy ng 74th UAAP men's basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Bumawi si Ravena sa kawalan ng puntos nang manalo ang Eagles sa Adamson nitong Linggo, nang magbagsak siya ng 24 puntos, humablot ng 10 rebounds at humirit ng 5 steals bilang isang starter at nabigyan ng 33 minutong paglalaro.
Sa first half nga nanalasa si Ravena nang kanain ang 22 puntos na pinakamarami sa isang half na nagawa ng isang manlalaro matapos ang 23 na kinuha ni Dylan Ababou ng UST noong 2009.
Inilista ni Ravena ang unang anim na puntos sa laro mula sa mga lay-ups at ito ang nagbigay sa kanya ng kumpiyansa na binitbit hanggang sa kabuuan ng first half para bigyan ng 41-30 bentahe ang Ateneo.
“Pump-up talaga ako nang nakuha ko ang first six points. Nagpapasalamat din ako sa mga teammates ko dahil hinahanap nila ako sa opensa,” wika ni Ravena.
“Kiefer's offense gave us a big lift and cushion into the second half. Credit should really go to him for performing very well,” wika ni coach Norman Black na may 2-0 karta.
Ang 7-foot rookie center na si Greg Slaughter ay nalimitahan naman sa 7 puntos matapos gumawa ng 23, pero hindi naman ininda ng Ateneo ito dahil gumana rin ang mga beteranong sina Nico Salva, Kirk Long at Emman Monfort na may 18, 10 at 10 puntos.
Ang mga beteranong ito nga ang namahala sa takbo ng koponan nang humahabol ang La Salle at si Salva ay pumukol ng tres nang dumikit sa 64-72 ang La Salle.
Nakapanakot pa naman ang Archers na gamit ang 6-0 bomba ay tinapyasan pa ang kalamangan sa lima, 75-70, pero anim na sunod na puntos sa 15-foot line ang ginawa ni Monfort para ipatikim sa Archers ang ikalawang sunod na kabiguan.
Solo ang Ateneo sa tuktok ng standings dahil sinilat ng Adamson ang FEU, 78-59, sa unang labanan.
Nilimitahan ng depensa ng Falcons ang Tamaraws sa 10 puntos sa final quarter para tuluyang tabunan ito at magkatabla na sa 1-1 karta.
- Latest
- Trending