Marquez may patutunayan sa pagharap kay Ramos
MANILA, Philippines - Itataya ni Mexican world three-division champion Juan Manuel Marquez ang kanyang kapalaran sa pakikipagkita kay dating world titlist Likar Ramos ng Colombia bukas sa isang 10-round lightweight non-title bout sa Plaza de Toros sa Cancún, México.
Ang laban kay Ramos ang siyang magiging tune-up fight ni Marquez bago hamunin si Fiilpino world eight-division king Manny Pacquiao sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Idedepensa ni Pacquiao, may 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown kontra sa 38-anyos na si Marquez (52-5-1, 28 KOs) sa MGM Grand.
“Without rushing, first is the fight with Likar, which we must win and then we'll think about Pacquiao,” sabi ni Marquez.
Si Marquez, dalawang beses hinarap si Pacquiao, ang kasalukuyang World Boxing Association (WBA) at WBO lightweight ruler.
Inaasahang hindi magiging madali ang laban ni Marquez sa 25-anyos na si Ramos (24-3, 18 KOs) na nanalo sa 14 sa kanyang huling 15 laban na tinampukan ng tatlong sunod na knockout victories.
Nakuha ni Ramos ang WBA interim super featherweight title noong 2009 nang patulugin si Ernesto Morales sa third round. Naagaw sa kanya ang naturang korona ni Jorge Solis sa sumunod na taon.
Sa kabila naman ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, isang draw ang inilusot ni Marquez sa kanilang unang pagtatagpo ni Pacquiao noong Mayo ng 2004. Inagaw ni Pacquiao ang dating suot na WBC super featherweight title ni Marquez sa kanilang rematch noong Hunyo ng 2008 via split decision.
- Latest
- Trending