Chiefs sumuko sa Knights
MANILA, Philippines - Habang tumatagal ay lumalabas ang lakas ng Letran sa 87th NCAA men’s basketball.
Nakita uli ang solidong depensa pero lumutang din ang nagbabagang opensa ng Knights nang kunin ang 88-70 tagumpay sa Arellano sa pagpapatuloy ng laro sa eliminasyon sa The Arena sa San Juan City.
Limang manlalaro sa pangunguna ni Jamieson Cortes na may 16 puntos, ang umiskor ng mahigit na 11 puntos para katampukan ang balanseng opensa.
“Nitong ilang araw lamang namin tinutukan ang aming opensa at maganda ngayon dahil balance scoring at maganda ang sharing ng bola. Pero ang nagspark nito ay ang depensa lalo na sa second period,” wika ni Alas na nakasalo ngayon sa pahingang San Beda sa 3-0 karta.
Halos walong minuto hindi nakapuntos ang Chiefs sa second period habang 21 sunod na puntos ang ginawa ng Knights para ang 18-25 paghaha-bol ay naging 39-25 pabor sa Letran.
Mula rito ay hindi na nagpabaya pa ang Knights upang ipatikim sa tropa ni coach Leo Isaac ang kanyang ikalawang kabiguan sa tatlong laro.
Sina Andrian Celada, Rocky Acidre at Vergel Zu-lueta ay nagtapos taglay ang 22, 17 at 16 puntos pero ang ibang kasapi ay nag-ambag lamang ng kabuuang 15 puntos na ininda nang husto ng Chiefs.
Samantala, nagbagsak ng limang puntos si Elyzer Paguia sa huling tatlong minuto habang ang depensa ng Emilio Aguinald College ay humirit ng limang errors sa Lyceum para kunin ang 73-67 panalo sa tampok na laro.
Huling dikit ng Pirates ay sa 66-64 sa buslo ni Chris Cayabyab pero umiskor sa ilalim si Paguia at pumukol ng tres para sa 71-65 kalamangan.
Tatlong errors naman ang ginawa ng guard ng Pirates na si Dexter Zamora sa endgame para tuluyang kumulapso ang paghahabol ng Lyceum. (
- Latest
- Trending