Azkals bumiyahe na sa Bahrain
MANILA, Philippines - Umalis na kahapon ang Philippine Azkals para sa kanilang training camp sa Bahrain bilang preparasyon sa kanilang pagsagupa sa Kuwait Al-Azraq (The Blue) sa second round ng 2014 FIFA World Cup Asian Qualifiers.
Nakatakda ang first leg sa Hulyo 23 sa Mohammed Al Hamad Stadium, Hawalli, samantalang ang second leg ay magaganap sa Hulyo 28 sa Rizal Memorial Stadium sa Vito Cruz, Manila.
Ang Kuwait ay No. 102nd sa FIFA world rankings kumpara sa pagiging No. 159th ng Azkals.
Ngunit naniniwala si striker Phil Younghusband sa kakayahan ng Azkals matapos ilampaso ang Brave Reds ng Sri Lanka, 5-1, sa first round.
“Anything is possible, bilog ang bola. But we’ll try our very best to win,” sambit ni Younghusband, kumpiyansang makakalaro sa second round laban sa Kuwait sa kabila ng pasumpung-sumpong na right leg hamstring injury at cramps.
Lalabanan ng Azkals ang Kuwait sa first leg na wala sina team captain Aly Borromeo at midfielder Stephan Schrock matapos mabigyan ng yellow cards sa kanilang first round series ng Brave Reds.
Umapela na si Philippine Football Federation (PFF) president Mariano ‘Nonong’ Araneta sa Disciplinary Committee ng Asian Football Confederation (AFC) para mapalaro sina Borromeo at Schrock sa away-game ng Azkals sa Kuwait.
Sa Bahrain magsasanay ang Azkals na makakatuwang sina Jason de Jong, Jerry Lucena, Ray Jonsson at Patrick Hinrichsen.
Sina goalkeeper Neil Etheridge, Ray Jonsson at Rob Gier, hindi nakasabayan ng Azkals sa pag-eensayo sa Rizal Memorial Stadium at sa Alabang, ay makakasama nila sa Bahrain.
- Latest
- Trending