MANILA, Philippines - Kagaya ng Philippine Azkals, nasa mainit na ring paghahanda ang Kuwait para sa kanilang pagtutuos sa second round ng 2014 FIFA World Cup Asian Qualifiers.
Umiskor ang Kuwait ng isang 2-0 panalo sa likod nina Fahad Awad at Hussain Fadhel laban sa Iraq, nakatakdang sagupain ang Yemen sa kanilang Asian qualifying stage, sa isang four-nation tournament sa Amman, Kuwait kahapon.
Nakatakdang maglaban ang Azkals at ang Kuwait sa first leg sa Amman, Kuwait sa Hulyo 23 at sa second leg sa Hulyo 28 sa Rizal Memorial Football Stadium.
Samantala, umaasa pa rin si team captain Aly Borromeo na makakapaglaro siya pati na si midfielder Stephan Schrock sa first leg ng laban ng Azkals kontra Kuwait.
“Last session before traveling to Bahrain tomorrow. Still hoping to be on that pitch come 23rd!,” sabi ni Borromeo sa kanyang Twitter account kahapon matapos ang huling ensayo ng Azkals bago tumulak ngayong araw patungong Bahrain.
Sina Borromeo at Schrock ay napatawan ng yellow cards sa first at second leg ng laro ng Azkals at Brave Reds sa Colombo, Sri Lanka at sa Rizal Memorial Football Stadium noong Hunyo 23 at 28, ayon sa pagkakasunod.
Umapela na si Philippine Football Federation (PFF) president Mariano ‘Nonong’ Araneta sa Disciplinary Committee ng Asian Football Confederation (AFC) para mapalaro sina Borromeo at Schrock sa away-game ng Azkals sa Kuwait.
Sa Bahrain magsasanay ang Azkals, inilampaso ang Brave Reds ng Sri Lanka, 5-1, sa first leg, bilang preparasyon sa kanilang two-leg series ng Kuwait.
Nakatakdang dumating ang Azkals sa Kuwait City sa Hulyo19.