Huling semis berth puntirya ng B-Meg vs Air21

MANILA, Philippines - Habang ipaparada ng Boosters ang bago nilang import, hangad naman ng Llamados na masungkit ang pang anim at huling semifinals tiket.

Magbabandera ng isang dating NBA player, sasagupain ng Petron Blaze ang Powerade ngayong alas-7:45 ng gabi matapos ang banggaan ng B-Meg Derby Ace at sibak nang Air21 sa alas-5:30 ng hapon sa 2011 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.

Mula sa 93-91 panalo ng Talk ‘N Text sa Meralco noong Miyerkules, hinila na rin nila sa six-team semifinals cast ang Barangay Ginebra, Alaska at Rain or Shine.

Ang ikaanim na semis berth ang layuning makuha ng B-Meg sa kanilang pakikipagharap sa talsik nang Air21.

Tangan ng Boosters ang 5-2 rekord kagaya ng Tropang Texters kasunod ang Gin Kings (4-2), Aces (4-3), Elasto Painters (4-3), Bolts (3-4), Llamados (3-4), Tigers (2-4) at Express (0-6).

Parehong nanggaling sa kabiguan ang B-Meg at Air21 sa Ginebra, 85-89, at 87-89, ayon sa pagkakasunod, sa kanilang huling asignatura.

Ibabandera naman ng Petron Blaze, ang unang koponang nakapasok sa semifinals, si dating NBA player Anthony Grundy na pansamantalang papalit kay Jeremy Wise.

Si Wise, nagtala ng mga averages na 21.8 points, 5.0 rebounds, 5.0 assists at 2.4 steals per game, ay nagkaroon ng meniscus tear sa kanyang kaliwang tuhod sa 87-84 panalo ng Petron Blaze sa B-Meg noong nakaraang Miyerkules.

Show comments