2nd award ni Pacquiao
MANILA, Philippines - Patuloy ang paghakot ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ng karangalan para sa bayan.
Tinanghal ang Sarangani Congressman bilang ESPY Best Fighter Award sa ikalawang pagkakataon mula sa kanyang pang apat na nominasyon sa Nokia Center sa Los Angeles, California.
Tinalo ng 32-anyos na si Pacquiao ang mga kapwa boksingerong sina world middleweight Sergio Martinez at future Hall of Famer Bernard Hopkins pati na sina UFC welterweight king Georges St-Pierre at light heavyweight titlist Jon Jones para sa naturang karangalan.
Sapul nang maibilang sa listahan ng ESPY noong 2007, si Pacquiao ang tanging atleta bukod kay Floyd Mayweather, Jr. na nakakuha ng Best Fighter ESPY award.
Si Pacquiao ang tanging Filipino athlete na nakasungkit ng ESPY matapos itong ilunsad noong 1993, samantalang wala pang MMA fighter na nakakasikwat nito.
Kinilala na si Pacquiao, naging 2009 ESPY Fighter of the Year, ng Boxing Writers Association of America (BWAA) bilang 2000-2009 Boxer of the Decade bukod pa sa kanyang pagkakabilang sa 2009 Time Magazine world’s most influential people.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang suot na WBO welterweight crown laban kay Mexican challenger Juan Manuel Marquez sa Nobyembre 11 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ang ESPY Awards ay isang annual sports award event na nilikha ng cable television network na ESPN. Ang mga nominado sa bawat kategorya ay pinili ng ESPY Select Nominating Committee at ang nananlo ay base sa online fan voting.
Ang iba pang nanalo sa basketball ay sina Dirk Nowitzki (Best Male Athlete) at Rick Carlisle (Best Coach) ng 2011 NBA champions Dallas Mavericks at NBA Rookie of the Year Blake Griffin (Breakthrough Athlete) ng Los Angeles Clippers. Sina Rafael Nadal at Serena Williams na kinilalang Best Male at Female Tennis Player, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending